akalain mong ang kailangan mo lang pala ay huminga ng malalim, at lunukin ang lahat ng alintana upang makarating sa paruroonan.
"ganon lang pala kadali?" ang sambit niya, "bakit pinatagal ko pa?"
"diba, ilang steps lang hindi mo pa magawa..." dugtong ng kasama.
"kasi natakot ako," sabay hinga, "ikaw kaya ang maging guilty, sa tingin mo, kaya mo ba?"
dalawang magkaibigang pawang nagtatalo na hindi maintindihan. pawang isang nanumbalik na ugnayang nawala kamakailan lang.
"sana maayos na ito..." paulit-ulit niyang hinihiling, sa kanyang mga pabulong na panalangin.
"sana maayos na, hindi na yata nararapat na ito'y patagalin pa. anong gagawin ko? lahat na ng bagay ay nagawa ko na..."
(lahat? sigurado ka bang lahat? pero sa dulo ng kanyang pag-iisip, may isa pang bagay na naghihintay na makamit)
natapos ang mga araw, gabi, mga lingo ng tulirong isipan. natanggap niya sa sariling maaaring hindi na manumbalik ang kinagisnan.
mapait, pero maaaring maging makatotohanan. prepare yourself for the worst. yan ang naglalaro sa isipan ngunit di mo pa rin maikukubli na siya ay umaasang maayos rin ang lahat.
umaasa. umaasa na sa bawat paraan, merong tugon na nakaambang. binubuksan. binubuksan ang sarili sa sakit na kakabit ng bawat hakbang.
ang mga lingo ay naging buwan. buwan? umabot na ng buwan? tila may boses sa kanyang kaibuturan na nais nang mapakawalan.
wag mo nang palampasin ang araw na ito. gawin na ang dapat gawin.
sa kanyang pag-iisa, muli siyang bumulong ng isang hiling, "Lord, bigyan mo ako ng hudyat, at ano ang aking sasabihin..."
pagbalik niya sa kanyang silya, pawang may mensaheng nakaambang, "wag mo nang patagalin. gawin na ang dapat gawin"
napapikit na lamang siya. at tinuon ang kanyang paa."this is it," sambit sa ulo niya. isang hakbang. dalawa at nakatatlo pa.
pilit niyang iniabot ang munting tangan sa mga kamay.
"ano yan?", pawang nagtataray, may pagtatakang sambit ng kanyang kasama.
"wala lang... sorry", kasabay ng huling pantig pumatak ang unang matabang luha.
kasabay ng mga luha, unti-unting nabasag ang pader na tila nakahambalang sa kanilang dalawa.
pawang may isang magnetic force na nagdikit sa magkaibigan, mahigpit na yakapang sinundan ng tawanan.
"wag ka ngang umiyak, baka sabihin nila inaaway kita..."
"bakit ba? hayaan muna!"
sabay punas ng kanilang mga mata. muling nagyakap ng mahigpit, at tumawa. pawang mga loka-loka.
kapatawaran. kapatawarang matagal na niyang inaasam.
katahimikan. katahimikang nabasag at tuluyang nadurog sa kawalan.
pasasalamat. pasasalamat sa Diyos sa kalakasan, tibay ng loob na ituloy pa ang "laban".
pagkakaibigan. pagkakaibigan na tunay ngang kay halaga't puno ng lubos na pagmamahalan.
pagmamahalan na sa kabila ng mga pasakit ay taos-puso pa ring dumadaloy sa kanilang mga buhay.
minsan kahit anong paghahanda pa ang isip-isipin, pagpa-planong nais mong gawin, may mga bagay talagang nangyayari sa mga di inaasahang pagkakataon. pagkakataon na pawang Diyos lang ang may tugon.
minsan hindi ang mga sulat o salita ang sagot o di kaya'y solusyon. kailangan ng aktibong pagkilos upang ang lahat ng ito'y matapos.
ang pagtayo. paghakbang. pag-abot ng kamay. pagyakap ng mahigpit. ang pagpatak ng luha. ang muling pagyakap. ang tawanan.
ang mga naging saksi ng kapatawaran. pero higit sa lahat ang pag-ibig na nasa puso ng magkaibigan, para sa isa't-isa, at sa Manlilikha ang muling nagbuklod at nagpatamis ng samahan.
tunay ngang walang huli para sa Kanya, Siya lang ang nakakaalam ng lahat ng bagay. hinihintay niya lang na tayo ay sumunod, tahakin ang lahat mula sa unang hakbang.
unang hakbang patungo sa isang tagpo noong ika-16 ng Setyembre, ang araw ng panunumbalik ng masasayang kwentuhan, "iyakan at dramahan", tawanan at mga nalalabing sandali ng dalawang magkaibigan..
Labels: on friendships